|
Post by Archivist on Sept 25, 2010 19:34:57 GMT -8
"Pagluha" ni: Fruit of Vice "At nilipol ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid." Genesis 7:23
Malakas ang tawang lumabas sa bunganga ng ulap. Ibinagsak niya ang mabigat na pakay para parusahan ang lupa. Walang matitirang tuyo. Maging ang pusong nakatago sa ilalim ng balat ay malulunod, mababasa ng lumbay, at hindi mapapatuyo ng yakap, o mapapanatag ng isang halik. Ngunit lupa ang may kasalanan! Bakit hindi na lamang ito ang parusahan? Bakit pati ang pusong nakatago at ikinandado ay mababasa, mangangalawang, malulunod? Bakit ang pusong walang malay sa kasalanan ng lupa ang kailangang manganib at sumambot sa parusa ng ulap? Hindi ba pwedeng maabswelto ang pusong inosente sa ibinibintang ng ulap? At kung totoong hindi kayang mapatuyo ng yakap o mapanatag ng halik ang puso, maaari namang pag dikitin ang mga palad, ikiskis ito sa isa't-isa at hayaang ang init ang pumawi sa ginaw na nararamdaman.
Wakas
|
|